|
ANG KASAYSAYAN NG P14 MPDC Isang grupo ng OFW sa Jeddah, KSA na binubuo ng 14 na miyembro ang nakamalas ng kahalagahan ng pagtatayo ng negosyo kung saan hindi lamang sila kikita kundi makakapag-ipon din. Ang pinakalayunin sa negosyong ito ay matulungan sila sa aspetong pinansyal sa panahon ng pangangailangan. At dito nabuo ang Power of 14 o P14 noong Setyembre 03, 2005 na ang layunin ay maiangat ang estadong pinansyal ng bawat isa sa pamamagitan ng mabisa at makatarungang pamamaraan ng pagpapautang. Nagsimula ang negosyo noong October 05, 2005 na may kapital na 7000 SAR (approx. Php76,329.70) at may ipanapatupad na 5% interest rate/month sa pagpapautang. Pagkalipas ng limang buwan ang kabuuang puhunan ay umabot ng 24,174.26 SAR (approx. Php263,602.30) kasama dito ang karagdagang puhunan ng mga miyembro at bagong miyembro at mula sa kita ng pagpapautang. Noong October 2006, naganap ang eleksyon ng bagong Pamunuan at napagkasunduan ng araw ding iyon ng General Assembly na ibaba ang interest rate sa 3%. Ang pagbaba sa interes na ito ay indikasyon ng pagtupad sa mga layunin na ikinakampanya ng kooperatiba. Noong Disyembre 2006, marami ang nagpahayag ng pagkuha ng kanilang puhunan dahil sa iba’t ibang kadahilanan kung kaya’t ang kabuuang puhunan ay naging 14,120.37 SAR (approx. Php153,972.12). Ito ay nagbunsod sa grupo na magakaroon ng “Safety Net Measures” para mapangalagaan ang interes ng bawat miyembro. Sa loob lamang ng 3 buwan, tumaas ng 60% ang “Total Shareholders’ Equity” at naitala ito sa 22,387.26 SAR (approx. Php244,116.39). Noong Enero 2007, nagsimulang pag-usapan at pagplanuhan ang pagpaparehistro ng kooperatiba at madala ang serbisyo sa Pilipinas. Nagkaroon ng mga pagpupulong kung saan ang mga OFWs at dating OFWs sa iba’t ibang bansa ay nagpahayag ng pagsali at pamumuhunan sa kooperatiba. Ang grupo ay binigyan ng bagong pangalan na “P14 Multi-Purpose Development Cooperative” na pinagkaisahang ilunsad ang unang operasyon sa Olongapo City . Ang nakalap na panimulang kapital ay umabot sa halagang Php465,000.00. Ang P14 MPDC ay narehistro noong Marso12, 2008 sa ilalim ng rehistro bilang PGA-6058 at kinikilala ng Cooperative Development Authority(CDA). Ang CDA ay ang ahensya sa Pilipinas na nangangasiwa at nagbabantay sa mga kooperatiba. Mula 3% ay naging 2% ang interes sa pagpapautang alinsunod sa prinsipyo ng kooperatiba na “service above profit”. Sa kasalukuyan, mayroong 27 na miyembro ang kooperatiba at patuloy na nadaragdagan. Maraming mahahalaga, malalaking plano at pagbabago ang nakalatag para sa ikapagtatagumpay ng kooperatiba. Sa kasalukuyang panunungkulan na binunuo ng mga kabataan na may positibo at ideyalistikong pag-iisip, ang P14 ay patungo sa isang matatag at maliwanag na bukas.
|